MANILA, Philippines - Isang independent commission ang itatayo ni President-elect Benigno Aquino III na pamumunuan ni retired Chief Justice Hilario Davide Jr. na siyang mag-iimbestiga sa mga sinasabing katiwalian sa ilalim ng Arroyo government.
Sinabi ni President-elect Aquino, si Chief Justice Davide ang magiging pinuno ng Truth Commission na siyang mag-iimbestiga sa mga kinasangkutang anomalya ng gobyerno ni outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo.
”We are establishing the Truth Commission under former Chief Justice Hilario Davide Jr. to put closure on many issues, to ensure that those who committed crimes against the people will pay,” wika pa ni Aquino.
Si Davide ang nagpanumpa kay Pangulong Arroyo na noon ay bise-presidente, bilang pangulo ng bansa noong 2001 matapos mapatalsik si dating Pangulong Erap Estrada.
Sinabi ni Aquino, hindi kabilang sa iimbestigahan ng independent commission ang mga kontrobersya sa Marcos regime kabilang ang pagpaslang sa kanyang ama na si dating Sen. Ninoy Aquino Jr. noong 1983.
Hindi naman nabahala ang Malacanang sa pagbuo ng Truth Commission dahil inaasahan na nila ito.
Tiwala si Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar na mauuwi lamang sa wala ang gagawing imbestigasyon dahil naabswelto na ito sa ibat ibang kontrobersya na isinangkot ito. Aniya, hindi sila nababahala kung mayroong mga testigo na lulutang para isangkot ang Pangulong Arroyo dahil tiwala silang malinis ang konsensiya ni PGMA at wala itong maling ginawa sa ilalim ng kanyang administrasyon.