MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng inaugural committee ni President-elect Benigno Aquino III na handang-handa na ang lahat sa gaganaping inagurasyon bukas para sa ika-15 Pangulo ng bansa sa Quirino Grandstand.
Sinabi ni inauguration spokesman Manolo Quezon III, ang lahat ng security preparations ay naihanda na ng PNP gayundin ng AFP na handang magpalakat ng may 1,000 sundalo para masiguro ang kaayusan ng isasagawang inagurasyon ni P-Noy bukas ng tanghali.
Ayon kay Quezon, plantsado na ang lahat gayundin ang preparasyon para sa inaugural reception sa Malacanang bukas ng gabi gayundin ang street party sa Quezon Memorial Circle.
Samantala, sinabi ni Quezon na posibleng magdasal ng rosaryo sa loob ng presidential limousine sina President-elect Aquino at Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang patungo ang convoy sa Quirino Grandstand bukas ng umaga.
Ayon kay Quezon, tatagal lamang ng 5 minuto ang biyahe mula Malacanang kung saan ay susunduin ni PNoy si PGMA at magkasabay silang sasakay sa presidential car patungo sa Quirino Grandstand at posibleng mag-alay na lamang sila ng dasal.
Naunang sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar na wala manang ‘substantial’ na pag-uusapan sina PGMA at PNoy habang lulan ng presidential car patungo sa inauguration venue sa June 30.
Nagsagawa din ng dry-run kahapon sa Malacanang upang orasan ang magiging pagsundo at pagpunta sa Quirino Grandstand gayundin ang ginawang dry-run ng mga honor guard sa gagawing pagbibigay ng pagkilala sa outgoing chief executive.
Bibigyan naman si PGMA ng arrival honor bilang outgoing President at saka nito kakamayan si PNoy at sasakay na ng private car si Arroyo mula Quirino Grandstand patungong Pampanga.
Hindi na hihintayin ni PGMA ang oath-taking ni PNoy dahil didiretso na ito sa Pampanga para sa panunumpa bilang halal na 2nd district congresswoman ng Pampanga. Kasama ni PGMA na manunumpa kay SC Associate Justice Antonio Nachura ang iba pang local officials ng Pampanga sa pangunguna ni Governor-elect Lilia Pineda.