MANILA, Philippines - Isang song number ang gagawin ni President-elect Benigno Aquino III bilang handog sa kanyang mga supporters sa gaganaping street party sa Quezon Memorial Circle sa June 30 ng gabi.
Sinabi ni Maria Montelibano, in-charge sa media affairs ng inagurasyon ni Pnoy, kumpirmadong may song number si Aquino na noong una ay ayaw sana nitong gawin ang kumanta at sumayaw dahil hindi naman ito kasama sa mga aktibidad ng isang presidente.
Subalit nakumbinsi na rin si PNoy na gumawa ng surprise number kahit wala itong rehearsal.
Makakasama niya sina Jim Paredes, Gabby Concepcion, Anne Curtis, Jed Madela, Gary Valenciano at Ogie Alcasid.
Samantala, magdaraos ng banal na misa ang Simbahang Katoliko para kay Aquino at sa tagumpay ng administrasyon nito.
Isasagawa ito dakong 7:30 ng umaga sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila, sa araw mismo ng inagurasyon nito sa Hunyo 30. Pangungunahan ito nina Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, Novaliches bishop Emeritus Teodoro Bacani at mga kaparian. (Rudy Andal/Mer Layson)