MANILA, Philippines - Hawak na umano ni Atty. Harry Roque, abugado ng ilang biktima ng Maguindanao massacre, ang mga testigo sa pagpatay sa witness na si Suwaib Upham alyas “Jessie o Jesse”.
Tiniyak ni Atty. Roque, na handa niyang ilutang ang mga testigo na magbubunyag sa apat na sinasabing salarin sa pagkamatay ni Jessie na pawang mga tauhan umano ng mga Ampatuan.
Ikinuwento pa ni Roque na matagal umanong itinago nila si Upham sa hindi binanggit na seminaryo at nahirapan umano ang mga taong Simbahan sa pagkostudi sa kaniya.
Minsan na ring nag-disguise at inihalo sa mga seminarista si Upham upang maikubli lamang sa mga naghahanap umanong mga nais pumatay dito.
Nainip lamang daw si Upham kaya nagtungo sa kaniyang bayan sa Mindanao ngunit nakapagpahayag na umano ito na excited siyang magtungo sa Department of Justice (DOJ) nang malaman umanong si Commission on Human Rights Chair Leila De Lima ang uupong bagong Justice chief, kapalit ni acting Justice Secretary Alberto Agra, dahil mas may tiwala umano siya kay de Lima.
Si Upham ay hindi umano ordinaryong testigo, bagkus ay isa ding akusado dahil siya ang isa sa pumatay, nakasaksi at may direktang nalalaman sa plano hinggil sa Maguindano massacre na kinasasangkutan ng pamilya Ampatuan.