MANILA, Philippines - Namahagi ng 15,000 posters ng masusustansiyang gulay si Agriculture Secretary Bernie Fondevilla sa Department of Education bilang dagdag kaalaman sa mga kabataan sa ilalim ng programang “Alay-Tanim” ng dalawang ahensiya.
Ang “Alay-Tanim ay isang programa ng pamahalaan para sa produksyon ng pagkain sa mga pampublikong paaralan sa bansa na layuning maibsan ang kahirapan at mapaliit ang malaking problema sa nutrisyon.
Bukod sa mga posters ay namahagi din ang DA-Bureau of Plant Industry (BPI) ng mga binhi ng gulay sa mga empleado ng naturang mga ahensiya upang pangunahan ng mga ito ang paggugulayan sa kanilang lugar.
Sa ilalim din ng naturang programa, bibigyan ng higit na kaalaman ng DepEd ang mga mag-aaral sa elementarya at high school sa paghahalaman gayundin sa kanilang mga magulang kahit na gamit lamang ay paso at plastic na supot ay maaaring makapagtanim ng gulay .
Ang DA-BPI naman ay patuloy na magbibigay ng tulong teknikal sa ikauunlad sa paghahalaman sa mga paaralan sa bansa.
Ang mga posters ay ipamamahagi ng DepEd sa iba’t ibang paaralan sa bansa.