MANILA, Philippines - Nakalabas na kahapon sa ospital si First Gentleman Mike Arroyo matapos ang matagumpay na spinal column operations nito sa St. Lukes Medical Center sa Global City, Taguig.
Sinabi ni Dr. Juliet Cervantes, attending physician ni FG Arroyo, kailangan na lamang ang check-up ni FG Arroyo sa darating na July 1. Nilinaw din ni Cervantes na aabutin pa ng 1 buwan bago makapaglaro ng golf ang Unang Ginoo.
Kailangan naman na magbaba ng timbang ni Arroyo sa 90 kilos buhat sa kasalukuyang timbang nito na 94 kilo, iwasan ang labis na mapagod at ang stress.
Matatandaan na ipinasok sa pagamutan si Arroyo para sa operasyon nitong Hunyo 17.
Ang magkapatid na Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Camarines Sur Rep. Datu Arroyo ang sumundo sa kanilang ama dahil may affairs si Pangulong Arroyo sa Malacanang. (Rudy Andal/Danilo Garcia)