MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga may-ari ng internet shop sa buong lungsod na pagbawalan ang pagpasok ng mga estudyante sa kanilang establisimyento sa oras ng klase.
Ayon kay Echiverri, ang direktibang ito ng lokal na pamahalaan ay base na rin sa ipinalabas na kautusan ng Department of Education (DepEd) na nagbabawal sa mga estudiyante na pumasok sa mga internet shop sa oras ng kanilang klase.
Nakasaad din sa DepEd order #86 series of 2010 na bukod sa mga internet shop ay bawal ding tumambay at pumasok ang mga estudyante sa mga mall sa oras at araw ng kanilang mga klase.
Bago ito, nakipag-ugnayan na rin ang DepEd sa mga may-ari ng mall at internet shop kung saan ay lilimitahan ang mga mag-aaral sa pagpasok sa kanilang mga establisimyento nang sa gayon ay hindi makaliban sa kanilang klase ang mga mag-aaral.
Inatasan na rin ni Echiverri si Dra. Corazon Gonzales, district superintendent ng Caloocan City na mahigpit na manmanan ang mga mag-aaral na nagtutungo sa mga internet shop at mall sa oras ng kanilang klase.
Sinabi pa ni Echiverri na higit na may pananagutan ang mga may-ari ng mall at internet shop sa pag-aaral ng mga kabataan kaya’t dapat na siguraduhin ng mga ito na walang mag-aaral ang makakalabag sa kautusang ito.