MANILA, Philippines - Nanawagan ang environmental group na EcoWaste Coalition sa mga taong sasaksi sa June 30 inauguration ni president-elect Benigno Simeon Aquino III na huwag mag-iwan ng kalat sa Rizal Park sa Ermita, Manila.
Karaniwan na kasing basura ang naiiwan pagkatapos ng malalaking pagdiriwang sa bansa.
Ayon kay EcoWaste Coalition president Roy Alvarez, dapat na panatilihin ng mga mamamayan na malinis ang Luneta Park, kasabay nang pagsaksi ng mga ito sa panunumpa ng bagong pangulo ng bansa, upang maipakita ng mga ito ang paggalang kay PNoy, gayundin ang kanilang pagiging respon sableng mamamayan, na maaaring ipagmalaki sa buong mundo.
Iminungkahi rin ng grupo sa park management na maglagay ng mga portable toilet at mga waste bins para sa biodegradable at non-biodegradable wastes sa paligid ng Luneta.
Pinayuhan rin ng EcoWaste ang mga mamamayan na itapon sa basurahan ang kanilang mga basura, o di kaya’y magdala ng ekstrang bag upang paglagyan ng mga ito.
Iginiit ng grupo na ang Luneta at maging ang buong bansa ay hindi basurahan kaya’t hindi dapat ito pagtapunan ng basura.
Maging kay P’Noy ay umapela rin naman ang EcoWaste Group na maglunsad ng public campaign laban sa pagkakalat sa panahon ng kaniyang administrasyon.