MANILA, Philippines - Pabalik na ngayon ang mga tinatawag na political ambassadors na itinalaga ni Pangulong Arroyo sa iba’t ibang bansa kung saan ay matatapos ang kanilang termino sa Hunyo 30.
Sinabi ni Executive Sec. Leandro Mendoza, ngayon (Sabado) ay darating na sa bansa si Philippine Ambassador to Poland Alejandro del Rosario bilang pagtalima sa recall order ng DFA.
Ayon kay Sec. Mendoza, nasa kamay na ng bagong administrasyon ang disposisyon o pagtatalaga ng mga bagong kinatawan ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa.
Ilan pa sa mga embahador na babalik na sa bansa sina dating chief of staff Alexander Yano mula sa Brunei; dating military vice chief of staff Cardozo Luna mula sa Netherlands; dating AFP chief Generoso Senga mula sa Iran; Jose Brillantes mula Canada; dating Sen. Orly Mercado mula sa ASEAN-Jakarta; dating police director Vidal Querol mula sa Indonesia; Francisco Benedicto mula sa Beijing; Domingo Siazon mula sa Japan; Rigoberto Tiglao mula sa Greece at Manuel Teehankee mula sa WTO-Geneva.