MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. na inosente ito sa kasong graft na isinampa laban sa kanya kaugnay sa NBN-ZTE controversy.
Sinabi ni Abalos, biktima lamang siya ng paninira at maling akusasyon na ibinase lamang sa affidavit ng witness na wala namang sapat na ebidensiya.
“A mere charge or allegation of wrongdoing does not suffice since an accusation is not synonymous with guilt. There must always be sufficient evidence to support the charge,” paliwanag ni Abalos na dating Mandaluyong mayor at dating trial judge.
Aniya, ang kasong isinampa sa kanya na ibinatay lamang sa alegasyon ni Joey De Venecia III ay walang sapat na ebidensiya bagkus ay inamin pa nitong natalo ang kanilang kumpanya na makuha ang broadband project.
Dahil anya sa kawalan ng sapat at malinaw na ebidensiya para suportahan ang akusasyon ni Joey de Venecia ay maituturing lamang itong malisyosong akusasyon.
Nilinaw din ni Abalos na ang pagpunta niya sa China at nakasama ang ilang ZTE officials ay bahagi lamang ng pagkakaibigan sa larong golf at hindi ito maituturing na direct o indirect bribery.
Samantala, pinagpipiyansa ng fifth division ng Sandiganbayan ng halagang P30,000 si Abalos at dating Neda director at ngayo’y SSS President Romulo Neri kaugnay ng kasong katiwalian dahil sa pagkakasangkot ng kanilang mga pangalan sa kontrobersiyal na ZTE deal.
Ito ay makaraang pangunahan kahapon ni Acting Presiding Judge Edilberto Sandoval ng 5th division ng Sandiganbayan ang halos 30 minutong pag-raffle sa kasong graft o RA 3019 nina Neri at Abalos.
Napunta sa sala ni Justice Gregory Ong ng 4th division ng Sandiganbayan ang kaso ni Abalos samantalang napunta kay Justice Roland Horado ng 5th division ng Sandiganbayan ang kasong graft ni Neri.
Wala pa namang naitakdang araw ng pagdinig sa naturang kaso nina Abalos at Neri. (Rudy Andal/Angie dela Cruz)