MANILA, Philippines - Malapit na umanong makumpleto ang 25 miyembro ng Gabinete ni President-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa kampo ng Liberal Party, ilang posisyon na lamang ang kailangang pagdesisyunan ni Aquino at kumpleto na ang listahan nito.
Nagkakaroon lamang umano ng masusing pag-aaral sa ibang posisyon dahil mahigit sa isang pangalan ang isinumite ng search committee.
Kabilang sa lumulutang na pangalan si dating Quezon Rep. Proseso Alcala na posible umanong italaga sa Department of Agrarian Reform.
Napabalita namang ilalagay sa Pagcor ang isang dating kaklase ni Aquino sa Ateneo na hindi pa pinangalanan.
Inaasahan din na makakasama sa Gabinete ni Aquino ang mga dating Cabinet officials ni Pangulong Arroyo na tinaguriang “Hyatt 10” na sina dating Finance Secretary Cesar Purisima, ex-BIR chief Guillermo Parayno, ex-DSWD sec. Dinky Soliman at peace adviser Ging Deles na babalik sa mga dati nilang posisyon.
Una ng sinabi ni Aquino na si Atty. Edwin Lacierda ang magiging presidential spokesman niya at ang longtime legal adviser nito na si Paquito “Jojo” Ochoa Jr. ang uupong executive secretary.
Ayon naman sa isang source, sigurado nang makakasama ni Aquino sa Malacañang si Abante Tonite reporter at columnist Renato “Rey” Marfil na una ng napaulat na magiging press assistant secretary. Si Marfil ay unang inalok ni Aquino na maging ring bearer niya sa kasal sakaling matuloy na ang pag-iisang dibdib nila ni Valenzuela Councilor Shalani Soledad.