MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pakikipag-negosasyon sa SICPA Products Security S.A kaugnay sa proyektong paglalagay ng mga strip stamps sa lahat ng kaha ng sigarilyo dahil sa umano’y nakitang mga iregularidad dito.
Base sa legal opinion ni Acting Justice Secretary Alberto Agra na hiniling ni BIR Commissioner Joel Tan-Torres, sinabi nito na ang proposal ng SICPA ay lumalabag sa exclusive taxation powers ng Kongreso at sa mga probisyon ng Build Operate Transfer (BOT) law na nagbabawal sa mga government guarantees o equity infusions sa mga unsolicited proposals at nagbabawal din sa mga “take or pay” arrangements na nagbibigay garantiyang hindi malulugi ang mga proponent dahil anumang kakulangan sa kita o return on investment (ROI) ay sasagutin ng gobyerno.
Kinuwestyon ni Agra ang kakayahang pinansyal ng SICPA, dahil ang equity nito ay nagkakahalaga lamang umano ng 1.38 milyon Swiss francs o P55 milyon samantalang ang proyekto ay nangangailangan ng initial investment na P2 bilyon.
Hindi rin umano naipakita ng SICPA na may puhunan ito o kakayahang ipatupad ang proyekto sa minimum amount na 30% ng project cost. Sa ilalim ng kontrata, karagdagang 54 sentimos kada kaha ng sigarilyo ang ipapasa sa mga consumers kasabay ng regular na excise tax na binabayaran na nila ngayon.
Dahil sa karagdagang halagang ipapataw sa balikat ng mga konsyumer sa halip na sa balikat ng gobyerno, ipinaliwanag ni Agra na ang proposed SICPA System ay isang pagbubuwis, at dapat dumaan sa Kongreso.