MANILA, Philippines - Sinupalpal kahapon ng isang non-government organization na may 50,000 miyembro ang mga kritiko ng pamahalaan dahil sa walang basehan at malisyosong paninirang-puri sa reputasyon ni Pangulong Arroyo.
Pinuna ng Crusade for a Better Philippines na tatlong beses nang napapatunayan ng Pangulo na pawang mga kasinungalingan lamang ang mga pinagkakalat ng mga kritiko ng administrasyon na ayaw bumitiw sa kapangyarihan si Gng. Arroyo.
Ayon kay Crusade Chair Michael Say, ilang araw bago maghalalan ay pilit na kinakalat ng mga kumakalaban sa Pangulo na may mga plano ang administrasyon para hindi matutuloy ang eleksiyon.
“Subalit natuloy, at natapos na ang halalan at naiproklama na ang susunod na Pangulo ng bansa,” ayon kay Santos.
“Paulit-ulit ding kinalat ng mga baluktot na propagandista sa media na kaya tumakbo bilang congresswoman si Pangulong Arroyo ay para maging Speaker, at kinalaunan ay Prime Minister.
“Subalit hindi pa man nasisimulan ang susunod na Kongreso ay tahasan na agad sinabi ng Pangulo, at ng kaniyang mga kapartido, na hindi niya hangad maging Speaker,” ayon kay Say.
At higit sa lahat, pinuna ni Say na umalis na sa Malakanyang ang Unang Pamilya kahit na mahigit dalawang linggo pa bago matapos ang termino ni Pangulong Arroyo sa Hunyo 30.