MANILA, Philippines - Binaligtad kahapon ni Acting Justice Secretary Alberto Agra ang nauna nitong kautusan na sampahan ng kasong qualified theft at paglabag sa PD 1612 o anti-fencing law ang mga nagdaan at kasalukuyang opisyal ng National Press Club (NPC) dahil na rin sa umano’y pagbenta sa Manansala painting na nakakabit sa dingding ng gusali ng NPC.
Sa tatlong pahinang resolution ng kalihim, pinawalang-sala nito ang kasalukuyang pangulo ng NPC at 13 iba pang nakalipas at kasalukuyang opisyal na nasasangkot sa pagbenta sa nabanggit na painting at ang bumili ng painting na si Odette Alcantara.
Ayon kay Sec. Agra na matapos na makapagsumite ng panibagong ebidensya ang mga respondent na nagpapatunay na ang NPC ang siyang nagmamay-ari ng nasabing mural sa pamamagitan na rin ng naging ruling ng Pasay City RTC branch 112 ay binawi nito ang nauna na niyang kautusan na pagsasampa ng kaso laban sa mga respondent.
Kaugnay nito, binigyan lamang ng kalihim ng 5 araw ang Manila Prosecutors office para bawiin ang impormasyon na isinampa nito sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Nauna ng sinampahan ng kasong Qualified theft at paglabag sa PD 1612 o anti-fencing law sa DOJ ng Government Service Insurance System (GSIS) ang dating Pangulo ng NPC na si Roy Mabasa at mga opisyal nito dahil na rin sa umano’y illegal na pagbaklas at pagbenta ng nabanggit na mural gayung ito umano ay pag-aari ng GSIS.