Mister nag-suicide din, Pinay utas sa asawang Kano sa US

MANILA, Philippines - Pinaslang umano ng isang dayuhan ang kaniyang asawang Pinay, at tinangka ring patayin ang dalawang maliliit na anak, bago nagpakamatay bunsod ng problemang pinansiyal sa loob ng kanilang sariling tahanan sa California.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Lunes ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng mag-asawang sina Wayne Zickefoose at Herminia Zickefoose, isang Pinay, sa loob ng kanilang bahay sa Anaheim, California na may tama ng bala sa katawan.

Nakatanggap umano ng emergency call ang mga awtoridad mula sa limang taong gulang na batang lalaking anak ng mag-asawa, sanhi upang rumesponde ang mga ito sa tahanan at natagpuan ang mga bangkay.

Sa salaysay ng paslit, tinangka siyang barilin ng ama ngunit nakapagtago ito, kaya’t ang binaril naman umano ng lalaki ng ilang ulit ay ang asawang Pinay at ang bunsong anak na lalaki na tatlong taong gulang lamang.

Ang paslit ay kasalukuyan pang nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.

Naniniwala ang mga awtoridad na matapos na mabaril ng lalaki ang kaniyang mag-ina ay saka ito nagpatiwakal.

Posible rin umanong problema sa pera ang dahilan ng krimen dahil noong unang bahagi pa umano ng taong 2009 ay hindi na nakakabayad para sa kanilang bahay ang mag-asawa, at nitong Pebrero ay nagdeklara na ng bankruptcy ang mga ito.

Sa kabila naman nito, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga awtoridad ng imbestigasyon sa kaso.

Show comments