MANILA, Philippines - Nakiisa sa pagbati ng sambayanan si NBN-ZTE deal whistleblower Joey De Venecia lll sa opisyal na pagkilala kina Sen. Benigno Simeon “Noynoy” Aquino lll bilang bagong halal na Presidente at Makati Mayor Jejomar “Jojo” Binay sa pagka-Bise Presidente sa nakaraang May 10, 2010 elections.
Ayon kay De Venecia, ipinagdarasal din niya ang katatagan ng ekonomiya at kalagayang pulitikal ng bansa sa ilalim ng susunod na liderato na aniya’y alam ng lahat na siya namang mangyayari dahil magsisilbing inspirasyon at gabay ng bagong Pangulo ang iniwang halimbawa ng kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Nakatitiyak din si De Venecia na malaking tulong ang kakayahan ng kanyang partymate, kaibigan at mentor na si Binay para sumulong ang administasyon ng ika-15 Pangulo.
Buo rin aniya ang kanyang tiwala na walang dudang magtatagumpay ang Aquino-Binay tandem upang muling manumbalik ang kumpiyansa ng sambayanan sa ating pamahalaan.
Sa magkatuwang na pamamalakad nina Aquino at Binay nakakasiguro ang mga Filipino na nasa mabuting mga kamay ang bansa at mababantayan ang ating mga democratic institutions.
Idinagdag nitong bagamat magkaiba ang kinaanibang partido ng dalawang lider, hindi naman aniya ito hadlang upang maisakatuparan ang mga pagbabagong hinahangad ng mga Pilipinong nagtiwala sa kanilang mga adhikain.