MANILA, Philippines - Naghain kahapon ng motion to dismiss ang Ako Bicol Political Party (AKB) sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa nakasampang disqualification nito matapos manalo sa nakaraang party list elections noong May 10.
Sinabi ni Atty. George Erwin Garcia, legal counsel ng Ako Bicol, dapat ay noon pa kinuwestyon ng Bayan at COURAGE ang kanilang registration at hindi ngayong nanalo na sila sa eleksyon.
“We hope the Comelec will immediately lift the order of suspension. Most a disqualification case is being used to harass the respondents. They should have objected to our petition for accreditation before. Estoppels had already set in,” paliwanag ni Atty. Garcia.
Idinagdag pa ni Garcia, dapat ay balewalain ng Comelec ang disqualification ng Ako Bicol at iproklama na agad ang nangunang party list group sa nakaraang May 10 elections.
Nilinaw din ng AKB na ang kanilang grupo ay hindi binuo para lamang sa eleksyon kundi ito ay naitatag at tumutulong sa mga Bicolanos simula pa noong 2006 taliwas sa akusasyon na binuo lamang sila para sa May 10 elections.
Hiniling din ni Sen. Francis Escudero na isang Bicolano sa Comelec na agarang iproklama ang Ako Bicol at CIBAC.
Aniya, kung may problema sa nominee ay dapat iproklama muna ang Partylist.