MANILA, Philippines - Sinisisi ni Lingayen Dagupaan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa mga telenovela, komiks at mga movies ang pagtaas ng bilang ng mga naghihiwalay na mag-asawa.
Ayon kay Cruz, maraming Filipino ang tumatangkilik ng mga telenovela, komiks kung saan inaaplay nila ito sa kanilang mga personal na buhay.
Sinabi ni Cruz na ipinakikita sa mga telenovela at komiks ang pagmamahal, pagsasama, subalit nauuwi din sa hiwalayan na hindi magandang halimbawa sa mga mag-asawa. Aniya, hindi pro marriage ang mga telenovela at naglalabasang mga komiks.
Bukod dito, kumokonti na din ang nagpapakasal dahil sa hirap sa pagkuha ng lisensya sa munisipyo.
Sakali naman umanong magpakasal sa simbahan, marami ding kailangan kabilang na ang baptismal at first communion. Hindi naman masyadong pinapaboran ang libreng kasal minsan isang araw sa simbahan sa loob isang buwan.
Nakakaalarma rin anya ang pagtaas ng bilang ng nagpapa-annul batay sa record ng National Statistics Office (NSO).
Giit ni Archbishop Cruz, nawawala na ang values system sa pagpapakasal dahil ang iniisip ay maghihiwalay din pagdating ng panahon.