MANILA, Philippines - Nanawagan ang militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kay President-apparent Noynoy Aquino na paimbestigahan nito ang kontrata ng Stradcom Corporation sa LTO at DOTC dahil nagiging ugat lamang umano ng kahirapan sa taumbayan laluna sa mga motorista ang mga ipinatutupad na computer fees at iba pang singilin sa mga motorista sa buong bansa.
Bukod dito, hiniling din ni Piston Secretary General Goerge San Mateo na ibasura na ng tuluyan ng pamahalaang Aquino ang RFID project ng LTO dahil ilegal ito bukod sa dagdag gastos lamang ito ng mga motorista.
Hiniling din ni San Mateo kay Aquino ang pagbasura sa DOTC Department order 2008-39 at 2008-38 na nagpatupad ng sobra sobrang multa sa trapiko at administrative fees dahil ito ang dahilan kung bakit mataas ang binabayaran nilang computer fees ng Stradcom.
“Palaging bogged down ang computers ng Stradcom at walang magandang serbisyo dahil hindi nila mapigilan ang pagdami ng kambal na plaka, pagrehistro ng mga smuggled cars at iba pa gayung sila ang may hawak ng data base ng LTO,” pahayag ni San Mateo.