MANILA, Philippines - Sinuportahan ni Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino ang panukala ng mga gun owners na bigyan ng karapatan at hindi lamang prebilihiyo ang lahat ng mamamayan na magmay-ari ng baril upang protektahan ang kanilang sarili.
Sinabi ni Rep. Antonino sa isang press conference sa Quezon City, wala siyang nakikitang masama sa pagkakaroon ng baril dahil naniniwala siya na hindi sapat ang bilang at kakayahan ng pulis para protektahan ang mamamayan sa lahat ng oras.
Wika pa ni Antonino, chairman ng house committee on public order and safety, naniniwala siya na ang pagmamay-ari ng baril ay may kasamang responsibilidad at dapat masigurado na ang lahat ng taong magkakaroon ng lisensiya sa baril ay karapat-dapat at may sapat na kaalaman sa paggamit nito.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag na ito sa gitna ng panukala ng Gun Enthusiast Confederation of the Philippines (Gencoop) na amyendahan ang batas hinggil sa gun ownership at bigyan ng kaluwagan ang batas hinggil sa baril.
“Sa ngayon naman ay walang nagbabawal sa mamamayan na magmay-ari ng baril at ang problema lamang ay mayroong itinutulak ang ilang grupo kabilang ang Philippine National Police na palawigin ang gun ban na ipinapatupad sa kasalukuyan,” giit pa ng lawmaker.
Idinagdag pa ni Antonino, kailangang bigyan ng konsiderasyon ng PNP ang sitwasyon ng mamamayan at hayaan silang gamitin ang karapatan na maprotektahan ang kanilang mga tahanan at sarili mula sa mga kriminal.
“Kung hindi puwedeng magmay-ari ng baril, kailangan ang PNP should be capable of providing security dun sa mga magiging biktima ng criminality,” paliwanag pa ni Antonino.
Nalilito din ang taumbayan sa panukala ng PNP na palawigin pa ang gun ban dahil noon lamang isang taon ay nagbigay ang PNP ng amnesty sa mga gun owners upang mapalisensiyahan ang kanilang mga baril.
“Matapos payagan ng PNP na palisyensyahan ang mga baril nito, ay ilalatag naman nila ngayon na paliwigin ang gun ban na magpipigil naman sa tao na gamitin ang kanilang lisensiyadong baril,” dagdag pa ng mambabatas.