MANILA, Philippines – Nasa 35,000 katao na ang grabeng naapektuhan ng mga flashfloods sa bayan pa lamang ng Sultan Kudarat sa Maguindanao.
Sa pinakahuling report ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), naapektuhan ng nasabing kalamidad ang mga residente sa bayan ng Salimbao, Limbo, Gang, Calsada, Banubo, Katuli, Macaguiling, Mulaog, Senditan at Bulalo. Nadale din ang may mahigit sa 15 kabahayan sa gilid ng mga ilog sa Sultan Kudarat.
Ayon kay NDCC Executive Director Glenn Rabonza, ang flashflood na rumagasa sa nasabing mga lugar ay bunsod ng malalakas na pagbuhos ng ulan nitong nagdaang mga araw.
Samantalang, 24 na ektarya rin ng bukirin ang lumubog sa tubig-baha na grabe ring nakaapekto sa mga pananim.
Kaugnay nito, inihayag ng opisyal na nakahanda na rin ang contingency measures ng pamahalaan sa nakaambang pagpasok ng La Niña phenomenom o tag-ulan sa bansa sa pagtatapos ng El Niño o mahabang tag-init.