MANILA, Philippines - Hawak na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lima katao makaraang maaresto sa isang entrapment operation, kaugnay sa diumano’y pagbebenta ng posisyon bilang kinatawan sa nagwaging partylist group sa kongreso.
Kinilala ni Head Agent Roland Argabioso, ng Field Operations Division (FOD) ang mga suspek na sina Joel Correras Pelo; Mary Anne Fujiwera, isang Japanese national na diumano’y may nakabinbing kasong swindling; Maria Elizabeth Pabalan; Fudenciano Malinao; at Wenceslao Malinao.
Sa isang sketchy report, nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek nang ikanta ng complainant ang ginawagang pagbebenta ng milyong halaga ng puwesto sa kongreso bilang partylist representative.
Kabilang sa target na ibinebentang pwesto umano ng grupo ang Buhay partylist kung saan coordinator umano ang isang Cheryly Barcelona.
Nabatid na nagpapakilalang konektado sa Commission on Elections (Comelec) ang mga suspek at isa dito ang nagpapakilalang sa Office of the President.
Nabatid na ibenebenta ang posisyon ng P15-milyon hanggang P10-milyon at nang kagatin ng di pa tinukoy na complainant ay pumayag ang mga suspek sa inisyal na P1-milyong piso.
Nang makipagkita ang mga suspek sa isang hotel sa Malate, Maynila ay dinakip sila habang hawak ang P1-M boodle money , na inihanda ng NBI sa nasabing entrapment operation.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa limang suspek at sa posibleng mga kasong kakaharapin nila.