MANILA, Philippines - Ipinagpaliban na ng Commission on Elections ang pagdaraos ng special elections sa susunod na buwan sa ilang lugar sa bansa na umano’y nagkaroon ng failure of elections noong nakaraang May 10 automated elections.
Una nang itinakda ng Comelec sa Biyernes (Mayo 28) ang special elections subalit napagpasyahan ito na gawin na lamang sa Hunyo 3 bunsod na rin umano ng kakulangan ng oras ng poll body para sa paghahanda sa logistical, manpower at security requirement para sa pagsasagawa ng eleksiyon.
Batay sa limang pahinang resolusyon ng Comelec, kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng special elections ay ang mga bayan ng Lumba Bayabao, Lumbaca Unayan, Marogong, Masiu, Sultan Domalondong, Tubaran, at Bayang sa Lanao del Sur; mga barangay Danapah, Kailih, Bato-Bato, Apil-Apil, Bucalao, Sangkahan, Cambug, at Look Bisaya sa Al Barka at mga barangay Upper at Lower Mahaybahay sa Maluso, Basilan; at barangay Poblacion sa Gian, Sarangani.