MANILA, Philippines - Naghain ng pormal na protesta sa Comelec si dating Pasay City Rep. Connie Dy laban sa madaliang proklamasyon ni Vice-Mayor Antonio Calixto kasabay ang ‘nullification’ ng proklamasyon nito sa nakaraang mayoral race sa Pasay City noong May 10 elections.
Sa 30-pahinang reklamo ni Dy, inakusahan nito na nagkaroon ng malawakang vote-buying, anomalya sa transmission ng ng mga boto ng PCOS machines at pagbibilang sa Election Returns mula sa 370 clustered precincts sa buong lungsod.
Aniya, hindi binasa ng mga depektibong Compact Flash (CF) cards na ipinasok sa mga PCOS machines ang kanyang mga boto subalit sa manual count ng Board od Election Inspectors ay lumitaw na may mga boto siya sa ibat ibang presinto.
Kinuwestyon din ni Dy na isama ang 23 CF cards sa electronic canvass dahil kaduda-duda ang pinagmulan nito pero isinama pa din sa canvass.