MANILA, Philippines - Dahil sa determinadong commitment ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tuluyang nasopla ang pinalulutang na Oplan Noel ( No Elections ) at RAFAEL ( Retain Arroyo Through Failure of Elections) ng matagumpay na HOPE (Honest Orderly and Peaceful Elections) sa isinagawang halalan sa bansa noong Mayo 10.
“Pinakilala nila sa atin si NO-EL at si Rafael, ngunit ang sinagot natin ay HOPE. I salute all our soldiers for their bravery in protecting our people and for their contribution to the success of the local and national polls,” ani AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit matapos ang isinagawang ‘final bikeathon HOPE Fullfilled’ patungong Army Headquarters sa Taguig City na dinaluhan ng 500 bikers.
Sa tala ng AFP, 20 sa tropa ng pamahalaan ang nagbuwis ng buhay habang 17 naman ang nasugatan kaugnay ng pagbibigay seguridad sa mga Board of Election Inspectors, poll watchers, Precint Count Optical Scan (PCOs) machine at mga balota sa nagdaang halalan.
Ipinagmalaki ng AFP na wala ni isang sundalo ang nasangkot sa pandaraya sa resulta ng eleksyon kasunod ng pakiusap ni Bangit sa mga pulitiko lalo na sa mga kandidato.
“Spare your AFP from partisan politics,” ang paulit-ulit na sinasabi ni Bangit kasabay ng pangakong hindi sila makikisawsaw sa pulitika at ipagtatanggol gayundin ay babantayan ng tropa ng militar ang boto ng milyun-milyong botante sa bansa.