Susano gigisahin sa hawak na CF cards

MANILA, Philippines - Makaraang ipakita ni Quezon City 2nd District Congresswoman Annie Susano ang kanyang mga hawak na compact flash cards, handa naman ang Commission on Elections na imbestigahan ito.

Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, malaking kuwestiyon ang pagkakaroon ni Susano ng CF cards samantalang dapat nasa pangangalaga ito ng board of canvassers (BOC) o naibalik sa warehouse ng Smartmatic-TIM.

Sinabi ni Sarmiento na naghihintay lamang sila ng magsasampang reklamo laban kay Susano bagama’t kanila pa rin namang pinaiiral ang mutual courtesy sa mga institusyon.

Umaasa naman si Sar­miento na makikipagtulu­ngan sa kanila si Susano.

Una nang iprinisinta ni Susano ang ilang CF cards sa pagdinig kahapon ng Kamara kaugnay ng umano’y mga dayaan sa nakaraang automated elections.

Samantala, nais ni Sar­miento na sila na lamang ang didinig sa mga reklamong may kinalaman sa nakalipas na eleksyon. Aniya, may proseso naman ang Comelec at dapat itong gamitin ng mga nagre­reklamong kandidato.

Ayon kay Sarmiento, nagiging grievance session na ang nangyayari sa Kamara kung saan dito inilalabas ng mga talunang kandidato ang kanilang sama ng loob.

Sa bandang huli, ang Comelec o mga regional trial courts pa rin naman ang huhusga sa mga kasong may kinalaman sa halalan.

Muling umapela din si Sarmiento sa nakamaskarang testigo na kung seryoso ito, dapat humarap at magpakilala sa publiko at dalhin sa tamang forum ang mga ebidensya.

Kasabay nito, naniniwala din si Sarmiento na sumobra na si Makati Rep. Teddy Boy Locsin ng murahin nito ang mga kinatawan ng Smartmatic.

Inihayag ni Sarmiento na nauunawaan nito ang galit ni Locsin pero hindi nito dapat minura ang mga opisyal ng Smartmatic na imbitado bilang guests sa imbestigasyon ng Kamara. 

Ayon naman kay Justice Secretary Alberto Agra, hihintayin lamang nila ang pormal na kahilingan mula sa Comelec bago nila si­mulan ang imbestigasyon kung mayroong naganap na dayaan.

Sa oras na matanggap nila ang liham mula sa Comelec ay agad niyang aatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) para bumuo ng team na mag-iimbestiga sa insidente.

Ang pahayag ni Agra ay kaugnay sa paglalabas ni Susano ng CF cards sa isinagawang House inquiry.

Samantala patuloy namang inaalam ng Comelec kung anong election offense ang nilabag ni Susano dahil sa paghawak ng CF cards.

Show comments