MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Jesli Lapus na mas mura ang ilang “school supplies” na itinitinda ng mga “air-conditioned bookstores” kaysa sa mga puwesto sa Divisoria.
Inihalimbawa ni Lapus ang tindang krayola at mga lapis sa isang bookstore na mas mura kaysa sa Divisoria habang maganda naman ang kumpetisyon sa ibang kaga mitan depende sa kalidad ng produkto.
Iginiit rin nito na may karapatan ang DTI na magpaskil ng mga “suggested retail prices” sa mga puwesto upang maging batayan ng mga mamimili lalo na ang mga magulang ng nasa 20 milyong estudyante sa pagbili ng mga gamit eskuwela. Tulad ng P11 srp sa notebook, ito umano ang “maximum” at hindi dapat lalagpas dito ang itinitinda sa Divisoria bagama’t nakikita nila na may average na P8 ang bawat piraso ng mga ito na ititinda.
Kabilang dito ang notebook (80 pahina) mula P9.50-P19.75 depende sa materyales; pad paper (Grade 1-4, 80-pahina) mula P9-P22.50; intermediate paper (80 pahina) mula P15-P24; lapis mula P3.75-P9.75; krayola (8 colors) mula P9 hanggang P96 (48 colors).
Nanawagan naman si Undersecretary Zenaida Maglaya sa mga mamimili na suriin munang mabuti ang mga bibilhing produkto dahil sa posibleng may nakalalasong kemikal ang kanilang mabili na makakasama sa kalusugan ng kanilang mga anak.
Kung may mga reklamo, maaaring tumawag ang mga mamimili sa DTI Hotline: 751-3330.