Pacman bumisita kay Noynoy

MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni presidential front runner Sen. Noynoy Aquino na nagtungo sa kanilang bahay sa Times St., Quezon CIty si world boxing champion at Sarangani Congressman-elect Manny Pacquiao.

Pero tumanggi si Aquino na magbigay ng de­talye kung bakit dumalaw si Pacquiao na kilalang taga-suporta ni Senator Manny Villar.

“We met last night,” ani Aquino tungkol sa pagbisita sa kanya ni Pacquiao.

Ayon naman kay Atty. Edwin Lacierda, spokesman ni Aquino,  kasama ni Pacquiao ang asawang si Jinky.

Ang mag-asawa ay parehong kumare at kumpare ni TV host/actress Kris Aquino. Inaanak sa binyag ni Kris ang isa sa mga anak ng mag-asawang Pacquiao.

Matatandaan na sumama ang loob ni Kris sa kasagsagan ng kampanyahan matapos patutsadahan ng Peoples Champ si Aquino sa TV ads na puro laban ng laban subalit wala pang napatunayan.

Kasama rin umano ni Pacquiao na nagtungo sa bahay ng mga Aquino ang buong team nito ganap na alas 6:30 ng gabi.

Si Pacquiao umano mismo ang humingi ng meeting kay Aquino na tumagal ng humigit-kumulang isang oras.

Ayon pa kay Lacierda hin­di na inungkat sa naging meeting kung bakit si Villar ang sinuportahan ni Pacquiao.

Show comments