MANILA, Philippines - Nakahandang bumaba sa puwesto si AFP chief of staff Gen. Delfin Bangit sa napipintong pagtatapos ng termino ni Pangulong Arroyo sa June 30.
Sinabi ni Gen. Bangit, bilang professional soldier ay susunod siya sa magiging commander in chief at kung nais siyang palitan nito ay handa siyang bumaba sa puwesto.
Wika pa ni Bangit, ang chief of staff ng AFP ay pinipili ng commander-in-chief at kapag ang magiging successor ni Pangulong Arroyo ay may ibang nais italagang AFP chief ay handa siyang bumaba sa puwesto.
Nakatakdang bumaba sa puwesto si PGMA sa June 30 at inaasahan na ang magiging successor nito ay ang frontrunner sa presidential race na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Nilinaw din ni Bangit na hindi siya magsusumite ng courtesy resignation sa susunod na Pangulo bagkus ay ipauubaya na lamang niya dito ang kanyang kapalaran.
“I serve at the pleasure of the commander in chief, kung ano ang sasabihin niya susundin natin,” dagdag pa ni Bangit.
Magugunita na inihayag ni PNP chief Director General Jesus Versoza na magsusumite siya ng courtesy resignation kapag nagpalit ng liderato ng gobyerno sa June 30.