ANTIPOLO CITY, RIZAL , Philippines - Nababahala ngayon si Nationalist People’s Coalition mayoralty bet at Antipolo City 2nd District congressman Angelito C. Gatlabayan matapos ang sunod-sunod na pananabotahe at political harassments sa kanyang kandidatura at maging sa hanay ng kanyang mga taga-suporta.
Nitong nakalipas na Mayo 5 ay limang supporters ni Gatlabayan ang sugatan matapos isabotahe ang dala nilang marked vehicle sa San Antonio Village, Barangay Dalig na naturang lungsod nang sadyain umanong tanggalan ng preno ang owner type jeep na gamit sa pangangampanya.
“Hindi nila ako kayang tirahin sa iba’t ibang kasong nais nilang palutangin dahil puro gawa-gawa lang nilan iyon, kaya ang aking supporters ang kanilang tinitira at ngayon ay marami pa ang nasaktan. Kawawa naman silang mga walang malay. Bakit hindi na lang sila lumaban ng patas,” sabi ni Gatlabayan.
Sinabi pa nito na bukod sa pananabotahe ay plano rin ng kanyang mga kalaban sa politika na taniman ng droga at mga baril ang lahat ng kanyang mga sasakyan at maging ang kanyang mga ari-arian.
Agad naman nagpahatid ng tulong ang kongresista upang masiguradong nalapatan ng lunas ang mga nasaktan at nangakong tutulong pa hanggang sa paggaling ng mga nasaktan sa insidente.