MANILA, Philippines - Nais ni Nacionalista vice-presidential candidate Loren Legarda na muling buksan ang usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung magwawagi siya sa darating na halalan.
Sinabi ni Legarda ang importansya ng kapayapaan sa Mindanao sa pag-unlad nito kung saan magkakaroon ng mga trabaho at pangkabuhayan ang mga residente kung magkakaayos ang pamahalaan at mga rebeldeng Moro.
Upang maging epektibo ang usapan, sinabi nito na dapat mag-invest muna ang pamahalaan ng mga imprastraktura sa rehiyon tulad ng “renewable energy” dahil sa nararanasang brown-outs sa maraming parte nito. Dapat ring pagtuunan muna umano ang edukasyon at kalusugan ng mga mamamayan.
Natigil ang usapang-pangkapayapaan noong Oktubre 14, 2008 nang ideklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang “memorandum agreement” ukol sa “ancestral domain” ng mga Moro.
Sinabi ni Legarda, adopted Muslim princess, na kailangang maibalik ang usapan kung saan nakatutok ito sa pagdebelop ng Mindanao.