MANILA, Philippines - Ipinagdiinan ng Union of the Masses for Democracy and Justice na walang katotohanan ang kumakalat na balitang susuportahan umano nila si Mar Roxas sa pagkabise-presidente.
“Iisa lang aming bise-presidente, yung tunay na makamahirap, oposisyon mula ulo hanggang paa at may B, dahil tunay na Barako na handang lumaban para sa mga manggagawa at ito ay walang iba kundi si Jojo Binay,” paglilinaw ng grupo.
Ayon kay Virgilio Eustaquio, tagapangulo ng UMDJ na kilala rin bilang “Erap 5,” isang pagpapanggap ang ipinapangalandakan ni Roxas na siya ay makamahirap dahil taliwas umano ang kanyang mga gawa sa kanyang salita. Kung totoo umanong makamahirap si Mar, na nagpapakilalang Mr. Palengke at Mr. Padyak, bakit daw bawal ang mga padyak sa Araneta Center na pag-aari ng pamilya ni Roxas.
“Bakit bawal pumasada sa Araneta Center ang mga sikad o maging ang mga bulok na jeep na pampasahero? Baka pag pinagpilitan ng padyak na pumasada dun tadyak ang abutin sa mga gwardya,” ani Eustaquio.