MANILA, Philippines - Matapos tuluyang malaglag ang itinuturing na manok sa halalan para sa pampanguluhan, tila may ibang kandidato rin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagkabise-presidente.
Ayon sa grupong PESANTE, hindi sila magtatataka kung may basehan nga ang mga balita na ang secret candidate ni PGMA sa pagka-bise presidente ay si Mar Roxas.
Ang Pesante ay isang grupo ng mga magsasaka, mangingisda at magbubukid.
“Sa mahabang panahon ay sinuportahan ni Roxas si Mrs. Arroyo. At nagkakasundo sila sa mga economic policies, lalo na sa EVAT na sinuportahan ni Roxas at hanggang ngayon ay dinedepensahan pa niya,” pahayag ng pangulo ng Pesante na si Evangeline Mendoza.
Naglabasan ang mga balita na hindi si Lakas-Kampi-CMD vice presidential bet Edu Manzano ang manok ni Pangulong Arroyo kundi si Roxas ng Liberal Party.
Ipinaliwanag ni Mendoza na magkaiba ang kandidato ng administrasyon at ang kandidato ni Pangulong Arroyo.
Matapos lumabas ang balita na si Nacionalista Party bet Sen. Manny Villar ang secret candidate ni Pangulong Arroyo, si Roxas naman ang secret candidate ni Pangulong Arroyo sa pagka-bise.
Ang mangyayari umano sa sitwasyon ay kapag nanalo si Pangulong Arroyo sa congressional race at naging speaker, gagawa raw ito ng hakbang para mapa-impeach si Senador Noynoy Aquino at maupo si Roxas.
Hindi anila malayo na mangyari ito na sa likod na tila pambabatikos ni Roxas sa administrasyon ay kakampi pa rin ito.
Makikita rin umano sa history ang pagiging malapit ni Roxas sa Pangulong Arroyo. Noong unang impeachment laban sa Pangulo, bumoto si Roxas kontra rito.