DAVAO CITY, Philippines – Nagsisimula na umano ang dayaan sa nalalapit na lokal at nasyonal na halalan sa Mayo 10 matapos ibulgar ni Defense Secretary Norberto Gonzales na inuumpisahan nang gapangin ng maimpluwensiyang puwersa at alukin ng malaking halaga ng suhol ang Commission on Elections.
“There will be attempts of cheating. I’m telling you that cheating has begun. Money is being distributed to some Comelec officials,” matapang na pahayag ni Gonzales sa ginanap na Bishops Ulama Conference sa Waterfront Hotel sa Davao City na dinaluhan rin ng matataas na opisyal ng militar at pulisya sa pangunguna nina AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit at PNP Chief Director General Jesus Verzosa.
Sinabi ni Gonzales na isang Comelec opisyal sa Southern Tagalog ang nagreport sa kaniya ng umano’y panunuhol ng malaking halaga pero di naman nito matiyak kung may tumanggap ng nasabing suhol sa kaniyang mga kasamahan.
Ayon kay Gonzales, magpapatuloy ang pagtatangka na gapangin at suhulan ang Comelec para imanipula ang resulta ng eleksyon.
“It might benefit two of the presidentiables,” ani Gonzales na ipinahiwatig na nagmula ito sa kampo ng dalawang sikat na presidentiables na tumanggi nitong tukuyin ang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Gonzales na malamang na susunod na ang PNP at AFP na tangkaing suhulan ng mga pulitikong may ganid at personal na interes para tiyakin ang panalo sa eleksyon sukdulang mandaya ito.