MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay humarap ang 86-anyos na ina ni Nacionalista Party standard bearer Sen. Manuel Villar Jr. upang ipagtanggol ang anak sa mga hindi makaratungang mga pagbatikos mula sa kanyang mga kalaban sa pulitika.
Sa pinatawag na press conference sa bahay nito sa Las Piñas, umiiyak na sinabi ni Curita “Curing” Bamba-Villar, ina ni Sen. Villar, walang pagsisinungaling na ginawa ang kanyang anak na si Manny dahil mula talaga sila sa kahirapan.
“Kung ayaw niyo maniwala, pumunta kayo sa Divisoria market, stall 2245. Akala ba ninyo hindi ako nasasaktan dun sa pagsasabi sa anak ko. Halos ikamatay ko na,” emosyonal na wika ni Nanay Curing sa media.
Wika pa ng ina ni Villar, aping-api na ang kanyang anak at nasasaktan na rin ang kanyang mga kapatid dahil sa walang-habas na pagbatikos at panlalait sa kanyang anak.
“Kahit ano raw ang sabihin ni Manny ayaw daw nilang paniwalaan. Akala yata nila salbahe ang anak ko. Mahal na Birhen, ikaw na po ang tumestigo sa aking mga anak. Kayo na po ang magtanggol sa mga anak ko. Kawawa naman po siya, nagtiis na nga po kami ng hirap, naapi na ako sa palengke, pati ba naman ang anak ko, maapi pa ngayon,” dagdag pa nito habang hindi na makontrol ang emosyon.
Dito na itinigil ng mga kapatid ni Villar na sina Gloria, Lourdes, Cecille at Vicky ang panayam sa ina.
Kinanta pa ni Nanay Curing ang “Stardust” ni Nat King Cole, na aniya’y iyon ang kinakanta nilang mag-ina pag magkasama. Pagkatapos nito ay umiyak uli ang matandang Villar sa matinding paghihinagpis.
Ang mga kapatid ni Villar na sina Odette, Gloria at Vicky ay nagsabing ang pagsalita ng kanilang ina ay hindi para sa publicity stunt para makakuha ng simpatya para sa Senador, kundi para ibuhos ang sama ng loob ng kanilang ina sa mga kritiko ng Senador.
Ayon kay Vicky, si Nanay Curing ay umiiyak gabi-gabi. “Ayaw namin na umiiyak siya, kasi din bulag siya since July,” aniya.
Hindi raw alam ni Senador Villar na ang kanilang ina ay magsasalita sa press conference.
Sinagot naman ni Gloria ang tanong sa kanya kung ginagamit ang ina sa kampanya ng tanong kung bakit ang ibang kandidato ay ginagamit rin ang ina kahit namayapa na sa kanilang kampanya.
“Patay na ang kanyang ina, sinasama pa...Buti nga nanay ko nakakapagtanggol pa sa kapatid ko. ‘Yung ina nila patay na ginamit pa nila di ba?’ ayon kay Gloria na ang pinatutungkulan ay si Liberal Party standard bearer Noynoy Aquino.