MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang PAGASA na mas iinit pa ang panahon sa Metro Manila sa buwan ng Mayo na aabutin ng hanggang 41?C.
Ayon kay Nathaniel Cruz, chief weather bureau ng PAGASA, patuloy ang pagtindi ng mainit na panahon sa Mayo hanggang Hunyo bunsod ng epekto ng humidity sa panahon ng El Niño.
Noong nakaraang Martes, naitala ang pinaka mainit na panahon na pumalo sa 36.8 degrees Celsius.
Mas mainit na panahon naman ang naranasan noong Huwebes sa Metro Manila na umaabot sa 37.
“Inaasahan natin aabot pa yan sa 38 degrees Celsius..Pero kung 36 na sinasabi ng PAGASA, yan ay kung nasa lilim ka. Kung ikaw ay nasa labas maaring yan ay 40 to 41 degrees Celsius,” ayon kay Cruz.
Sinabi rin ni Cruz na ang pinakamainit na temperatura ay malimit naitatala alas-2 o alas-3 ng hapon at hindi tuwing tanghaling tapat.
Bunsod nito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko na iwasan muna ang mainit na sikat na araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon o maglagay ng anumang pananggalang sa katawan kung lalabas ng ganitong mga oras upang makaiwas sa dehydration at heat stroke.
Anya, hindi lamang ang mga kabataan at matatanda ang madaling maapektuhan ng matinding init ng panahon pati na rin ang mga kandidato na nagbabahay bahay para sa pangangandidato.