MANILA, Philippines - Habang naghihingalo ang Taguig Hospital, umaabot naman umano sa P1.5 bilyon ang ginasta ng Taguig City Hall sa hauling ng basura mula 2001 hanggang 2010.
Ibinunyag ni Konsehal at Minority Leader Noel Dizon ang tinawag niyang “Basurahan Scandal” na kung saan sinasabing umutang, nag-angkat, at bumili ng mga imported na basurahan si Taguig City Mayor Freddie Tinga.
Matibay ang paniniwala ni Dizon, tumatakbo ulit bilang konsehal sa 2010 elections, na baka may bahid ng anomalya ang transaksyon dahil sobrang mahal ng mga basurahan.
“Dapat suriin sa Commission on Audit ang mga naturang transakyon dahil sobrang mahal ng pagkakabili ng basurahan. Umutang si Mayor Tinga sa basura ng tumataginting na P112,000,000 para rito,” wika pa niya.
Dagdag pa ni Dizon, lumobo nang todo ang budget sa basura mula 2001 hanggang 2010 habang ang budget para sa pangkalusugan ay sobrang mababa.
Ang paglobo ng budget sa basura ay taliwas diumano sa plataporma ni Tinga nung siya ay unang tumakbo sa pagka-mayor nung 2001. Sabi ni Tinga ay hindi dapat mataas ang budget sa basura dahil ito ay sanhi ng korupsyon.