RODRIGUEZ, RIZAL , Philippines - Pinasasagot ng isang grupo ng mga manggagawa sa bayang ito kay suspended Mayor Pedro Cuerpo ang umano’y maanomalya, kwestyunable at nawawalang P5 milyong “provident fund” ng mga nagtrabaho sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa grupong Bagong Rodriguez, Bumangon na binubuo ng mga manggagawa sa bayan at mga empleyado ng munisipyo ng Rodriguez, hanggang sa ngayon ay hindi maipaliwanag at mabayaran ng lokal na pamahalaan ang provident fund na kinolekta noong namumuno pa si Cuerpo na nakalaan sa kanilang mga benepisyo.
Ang provident fund ay ibinabawas sa sweldo ng isang manggagawa at kung saan sinasagot at tinutumbasan ng lokal na pamahalaan ang kalahati. Ang kabuuang halaga ng provident fund na ito ay itinatabi at dapat ay ideposito sa bangko upang may magamit ang isang trabahador sa panahon ng kagipitan o kapag siya ay nagretiro na.
Ayon sa BRB, aabot sa mahigit na P10 milyon ang provident fund na ito na dapat ay hawak pa ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez.
Pero sa kasamaang palad, ayon kay BRB national president Francisco Reyes, lumalabas sa na kuha nilang impormasyon na kulang na ito, at unaccounted pa ang P5 milyon o kalahati ng nasabing provident fund ng mga manggagawa.