MANILA, Philippines - Hinihinala ng Masikap Class ’77 ng Philippine Military Academy na ilang miyembro ng PMA Class ’78 ang nagpapakalat ng paninira laban sa ilang miyembro ng kanilang batch lalo na kay Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Raymundo Ferrer.
Isa sa adopted classmate ng Class 77 si Nacionalista Party presidental candidate Manny Villar.
Isang opisyal ng Class 77 na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagsabing walang halong pulitika ang pakikipagpulong nila kay Liberal Party standard bearer Benigno “Noynoy” Aquino III pero kinukulayan ito ng ilang taga-Class 78.
“Sa tingin ko, tinatarget nila si Ferrer na nadismaya na dalawang beses siyang na-bypassed,” sabi ng isang opisyal na kasama sa Class 79.
Pinuna ng isa pang miyembro ng Class 77 na nais palabasin ng mga operator ng Class 78 na isang balimbing at oportunista si Ferrer na lumipat sa kampo ni Aquino mula kay Villar.
“Simple lang yan. Pag nanalo si Villar, laglag na si Ferrer kasi pinapalabas na kay Noynoy na siya. Ngayon pa lang pinapalabas nila na sipsip na si Ferrer kay Noynoy at nagsumbong pa,” sabi ng isa pang opisyal.
Kaugnay nito, sinasabing nakausap na ni AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit si Ferrer at itinanggi nito na may namagitang pakikipagpulong sa kanilang grupo at kay Noynoy.