MANILA, Philippines - I-impound ng Land Transportation Office (LTO) ang alinmang pampublikong sasakyan tulad ng dyip, bus, taxi at trak na mahuhuling tatakbo ng higit pa sa 80 kilometer per hour habang nasa mga lansangan.
Sinabi ni LTO Chief Alberto Suansing, dapat hanggang 80 KPH lamang ang takbo ng mga sasakyan nationwide laluna sa Metro Manila upang higit na madisiplina ang mga driver gayundin ang mga operator ng pampublikong sasakyan at malaman nila ang kani-kanilang responsibilidad sa kalye.
Minabuti ni Suansing na gawin ang naturang hakbang bunsod na rin ng mga natatanggap na mga reklamo laban sa mga driver na sobrang bilis magpaharurot ng kanilang mga sasakyan laluna sa mga major roads tulad sa Commonwealth Ave., Quezon Ave. at iba pang bising lansangan sa Metro Manila.
Nitong nakaraang linggo, nakahuli si Suansing ng isang bus at isang jeep nang makasabayan niya sa may Quezon Ave. na todong magpakaripas ng takbo ng sasakyan.
Ani Suansing, dapat isaisip ng mga driver na kailangan ang disiplina habang hawak ang manibela at hindi payabangan sa pagpapasada.