MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng posibleng pagtaas ng temperatura ng magkakasunod na araw, pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko laban sa heat wave partikular na ang mga matatanda, bata gayundin ang mga buntis, may katabaan o obese, may sakit sa puso at bato.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology Center ng DOH, dapat tiyakin ng publiko na komportable ang kanilang galaw kung saan pinayuhan din ang mga ito na gumamit ng pamaypay, bentilador o air conditioning unit.
Ugaliin din ang pag-inom ng tubig ng madalas kahit hindi nauuhaw.
Kung dilaw na dilaw na ang ihi ng tao, nangangahulugan ito na hindi na sapat ang tubig sa katawan.
Malaki aniya ang naitutulong ng madalas na pag-inom ng tubig sa tindi ng init lalo pa’t mabilis na mawala ang tubig sa katawan ng tao.