MANILA, Philippines - Hiniling ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51, na ipaaresto ang hepe ng National Bureau of Investigation-Medico Legal Division dahil sa kabiguan nitong ibigay sa korte ang record ng eksaminasyon sa mga biktima ng lumubog na M/V Princess of the Stars.
Sa inihaing mosyon ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, nais niyang iutos ng korte na maaresto si Dr. Renato Bautista, chief of the NBI’s Medico-Legal Division, atasan ding i-turn over ang mga dokumento sa isinagawang pagtukoy o pagkilala sa mga bangkay na pasahero ng lumubog na M/V Princess of the Stars noong 2008.
Noong 2009 ay iniutos ng korte ang pagpapahukay (exhumation) ng mga labi ng mga pasahero sa Carreta Cemetery, sa Cebu at Romblon sa kahilingan ng PAO na sikaping makilala ang mga bangkay.
Bigo naman ang NBI na ma-identify ang mga labi sa kabila ng pinondohang DNA examination umano ng Bosnia.
Patuloy umano sa pagtanggi si Bautista na i-turn over ang record sa korte dahil kailangan pa umanong si NBI Director Nestor Mantaring ang mag-utos bunsod ng confidentiality.
Subalit kinbontra ito ng PAO sa isang mosyon, sa giit na isang trahedya ay itinuturing na public crime at hindi umano nag-aaplay dito ang ‘confidentiality’ bagkus ay sa mga kaso lamang na may kinalaman sa paternity disputes at kahalintulad nito.