LEGASPI CITY, Philippines – Ipinakita ng Lakas-Kampi-CMD sa local level ang pananatili ng suporta ng mayorya ng mga lokal na opisyal sa Albay kabilang na ang maimpluwensiyang political leaders sa pamamagitan ng pagdalo at pagpahayag ng suporta sa mga pambansang kandidato ng partido.
Ginawa sa Albay ang unang campaign sortie nina Lakas-presidential candidate Gilbert “Gibo” Teodoro at senatorial candidates Silvestre “Bebot” Bello III, Rey Langit, Ramon Guico at Sen. Ramon Bong Revilla matapos ang Mahal na Araw.
Mainit silang tinanggap ng mga lider ng probinsiya sa pangunguna nina Albay Gov. Joey Salceda, Rep. Edcel Lagman, Legaspi City Mayor Noel Rosal at Tabaco City Mayor Krisel Lagman Luistro. Maging si Sorsogon Gov. Sally Lee ay nagtungo sa Albay para ipakita ang suporta ng mga taga-Sorsogon sa mga kandidato ng administrasyon.
Sinabi ni Bello na malisyoso ang ulat na isinisisi ng bagong talagang party chair Rep. Amelita Villarosa si Lakas senatorial campaign manager Prospero Pichay sa kakulangan ng pondo sa kanilang kampanya.
Inihayag nina Langit at Lambino na naging transparent si Pichay sa usapin kung magkano ang pondong ibinigay ng partido sa gastusin ng six-man senate slate.