MANILA, Philippines - Ang biglaang desisyon ni administration candidate Gilberto Teodoro na magbitiw bilang chairman ng Lakas-Kampi-CMD ay isang nakakabahalang senyales umano na malapit ng maluto ang “lutong Gloria” na inihahanda ng mga sikretong grupo sa kasalukuyang pamahalaan para mapanatili sa posisyon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang teoryang nakikita ni Liberal Party Director General Chito Gascon sa pagbibitiw ni Teodoro at indikasyon umano nang pinangangambahang palpak na eleksyon.
Pero agad iginiit ng Lakas-Kampi-CMD na ang pagbibitiw ng kanilang standard bearer na si Teodoro bilang chairman ng partido ay magiging daan upang maka-focus sa kanyang presidential campaign si Gibo.
Sinabi ni Atty. Mike Toledo, spokesman ni Gibo, kailangan ng partido ng full-time chairman na available 24/7 upang pangasiwaan ang Lakas-Kampi-CMD at para makatutok ng husto si Gibo sa kanyang kampanya.
“Effective immediately I am resigning as chairman of our Party so that I can focus all my efforts campaigning for the Presidency of the country as the official candidate of Lakas-Kampi-CMD. The party needs at this time a full time chairman who will be able to respond on a 24/7 basis to the needs of our party candidates running for various posts this coming elections,” wika pa ni Gibo sa kanyang statement.
Sinabi pa ni Toledo, inaasahan nila na mayroong mawawalang mga miyembro subalit mayroon ding lilipat sa administration party mula sa ibang partido.
Noong nakalipas na Sabado, kinumpirma ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson ang pagkalas niya sa Lakas-Kampi-CMD at inihayag na hindi na si Teodoro kundi si Naconalista Party presidential ber Manny Villar na ang kanyang susuportahan at ikakampanya bilang kandidato sa pagka-pangulo.
Tiniyak naman ni Teodoro na hindi siya aatras sa kandidatura kahit nagbitiw sa partido at hindi iiwan ang Lakas.