MANILA, Philippines - Inabswelto ng Department of Justice ang magkakapatid na Ramon, Erwin at Raffy Tulfo sa robbery/extortion na isinampa ng mga empleyado ng Bureau of Customs (BoC).
Gayunman, inirekomenda ng DoJ ang pagsasampa sa korte ng kasong robbery/extortion sa ilalim ng Article 294, par. 5 at grave threats sa ilalim ng Article 282, par. 1, 2, ng Revised Penal Code laban kay Jimmy Salgado.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa sa National Bureau of Investigation (NBI) nina Chito Orbeta, Dolores Domingo, Horacio Suansing, Juan Tan, Lilian Veces at Amando Quebec, pawang empleyado ng BoC, sa anila’y pagsasabwatan ng magkakapatid na Tulfo at Salgado sa pagbabanta sa kanila at pangongotong.
Ngunit sa preliminary investigation sa DoJ, hindi dumalo sina Suansing, Veces at Quebec habang sinabi naman ni Tan na hindi siya nagsampa ng kaso, kaya nadismis ang kanilang reklamo.
Sa salaysay ni Orbeta, noong 2002, nagtungo sa kanyang tanggapan si Salgado at humingi ng protection money upang hindi mailathala ang damaging news item tungkol sa kanya. Bagama’t tumanggi ay napilitan siyang magbigay ng P5000. Ngunit isang buwan makaraan, lumabas ang defamatory news article tungkol sa kanya sa kolum ni Raffy Tulfo, “Shoot to Kill” sa Abante Tonite newspaper.
Pagkaraa’y bumalik aniya si Salgado at sinabing “O hayan pare, tinira ka tuloy, sabi ko sa iyo ayusin natin para tigilan ka,” saka humingi sa kanya ng P30,000 upang aniya’y matigil na ang bad publicity mula kay Ramon at Raffy Tulfo.
Sinabi naman ni Dolores Domingo, noong Marso 25, 2002, may inilabas na malicious accusations laban sa kanila ni Orbeta ang kolum ni Raffty na “Shoot to Kill”. Pagkaraa’y tumawag si Salgado sa telepono at humingi sa kanya ng pera upang mapigilan ang muli pang paglabas ng nasabing news item. Ngunit hindi siya nagbigay ng pera kay Salgado.
Matapos namang lumabas sa kolum ni Ramon Tulfo sa Philippine Daily Inquirer, ang kahilingan sa Ombudsman na kasuhan sina Domingo at Orbeta, tumawag si Salgado at humingi ng P50,000 na sinasabing ibibigay kay Ramon upang itigil na ang news item laban sa kanila. Nagbanta pa aniya si Salgado na may mangyayari sa kanya at sa kanyang pamilya kapag hindi naibigay ang pera.
Ngunit itinanggi ng magkakapatid na Tulfo ang akusasyon laban sa kanila at idiniing hindi nila inutusan si Salgado na mangotong ng pera mula sa mga complainant.
Bunsod ng kawalan ng ebidensyang magpapatunay na nakipagsabwatan ang magkakapatid na Tulfo kay Salgado sa pagbabanta at paghingi ng pera, inabwesto ng DoJ ang Tulfo brothers ngunit inirekomenda ang pagsasampa ng kaso laban kay Salgado.(Butch Quejada)