MANILA, Philippines - Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kanilang mga field offices upang magbigay alalay sa ating mga kababayang inaasahang dadagsa upang magbakasyon sa mga probinsya ngayong panahon ng Mahal na Araw at summer vacation.
Ayon kay NTC deputy commissioner Jaime Fortes Jr., “Ito ay isang serbisyo publiko ng NTC para sa mga kababayan natin na inaasahang dadagsa ngayong Mahal na Araw sa mga probinsya upang magbakasyon at ang iba naman ay uuwi sa piling ng kanilang mga kamag-anak na bihirang madalaw.”
Sa kadahilanang ito, ipinag-utos ni Fortes sa mga regional director na makipag-ugnayan sa mga Civic at Amateur Groups na may summer vacation o Sumvac operations sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan at pag-aralan kung anong uri ng tulong ang maaring ibigay ng Komisyon sa mga motorista at bakasyonista.
Ayon kay NTC deputy commissioner Douglas Michael Mallillin, matagal nang nakikipag-tambalan ang NTC sa iba-ibang samahan at grupo tulad ng National Disaster Coordinating Council o NDCC upang tulungan naman ang marami nating kababayan tuwing panahon ng kalamidad.
Sinabi pa niya na napagtibay na ang pagtatambalan ng mga radio volunteer at ng NTC sa pamamagitan ng Oplan “Bayanihan” na kung saan ang mga nasabing grupo nakipag-ugnayan sa NTC at nagbigay ng tulong noong panahon ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng” na kung saan ang halos buong Kamaynilaan at ilang bahagi ng Luzon ay nalubog ng tubig-baha at marami sa mga cell sites ang hindi makapag serbisyo
Idinagdag pa ni Mallillin na, “sa pamamagitan ng NTC, nagbigay ang Smart Communications ng mga satellite phones sa lahat ng NDCC regional offices upang masiguro ang linya ng komunikasyon anumang oras tuwing panahon ng sakuna at kung sakaling bagsak ang mga cell sites.” (Butch Quejada)