MANILA, Philippines - Hinamon ni Liberal Party senatorial candidate Atty. Alex Lacson ang Armed Forces of the Philipines na ilantad sa harap ng taumbayan ang diumano’y contingency plan ng liderato nito sakaling magkaroon ng failure of elections.
Ginawa ni Lacson ang hamon matapos madulas ang dila ni Philippine Army Chief General Reynaldo Mapagu sa panayam sa kanya ng ANC kahapon na mayroong contingency plan ang AFP sa oras na magkagulo dulot ng halalan sa Mayo 10.
Sinabi ni Lacson na dapat linawin ng AFP kung ano ang contingency plan na ito upang maiwasan ang paglago ng spekulasyon at takot na may di magandang balak ang AFP sa halalan. Kailangan din umanong maging transparent o bukas ang AFP sa sambayanang Pilipino.
“Utang ng AFP na sabihin sa taumbayan kung ano ang balak nilang gawin sa sandaling may failure of elections. Kailangang transparent sila. Ito ang problema ngayon ng liderato ng AFP, hindi sila transparent,” puna pa niya. (Butch Quejada)