MANILA, Philippines - Nanawagan ang pamunuan ng Commission on Elections sa mga kandidato sa pambansa at lokal na halalan na huwag gamitin ang graduation rites sa mga eskuwelahan sa kanilang pangangampanya.
Ang panawagan ay ginawa ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal bunsod na rin ng kaliwa’t kanang graduation rites sa iba’t ibang paaralan.
Ayon kay Larrazabal, dapat namang bigyan ng pagkakataon ng mga kandidato ang mga mag-aaral na makasentro sa pagdiriwang ng kanilang pagtatapos at hindi sa eleksyon.
Dumulog din sa Comelec ang ilang urban poor group at umapela na ipatigil ang pagpapatupad ng mga demolisyon at forced evictions sa mga iskuwater ngayong panahon ng eleksyon.
Ayon sa grupo, nagiging dahilan kasi ito ng pagkakaroon ng “disenfranchisement” sa libu-libong mga botante, partikular ng mga mahihirap.
Sa isang liham ng grupo na kinabibilangan ng mga residente ng Cabuyao, Laguna; Paco, Maynila; Manggahan Floodway, Pasig City; at North Bay Boulevard South, Navotas, hiniling nila kay Comelec Chairman Jose Melo na patigilin ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan sa pagdemolis sa bahay ng mga iskuwater ngayong eleksyon.
Dahil sa relokasyon at mga demolisyon, aabot sa 804,562 na urban poor voters ang nanganganib na hindi makaboto.
Ang nasabing liham ay nilagdaan ng mga miyembro ng Urban Poor Associates, Community Organizers Multiversity, at Community Organization of the Philippine Enterprise Foundation.