GMA mananatili!

MANILA, Philippines - Pananatilihin umano sa puwesto si Presidente Gloria Macapagal Arroyo. Ito’y isang taktikang ipatu­tu­pad ng military at pulisya.

Ayon sa isang mapa­na­na­ligang impormante, sa golf course sa Canlu­bang at Camp Aguinaldo isinasagawa ng “Golf Mafia” ang pagdedesisyon kung sino ang hihirangin para sa mga matataas na posisyon sa militar at pulisya.

Nangunguna umano sa alyansang ito ang Philippine Military Class ’78 kasama ang isang mala­kas at impluwensyal na tagasuporta.

Dahil dito, nababa­lewala umano ang mga senior official ng PMA Class 77 na walang konek­siyon ngunit mga kwalipi­kado para sa promosyon.

“Ang pagkakahirang ng Class 78 sa mga mahaha­lagang posisyon ay nagpa­patunay na ang Oplan August Moon ay totoo. May mali talaga sa sistema. Ngayon ay gusto nila na kunin ang lahat ng mata­taas na posisyon,” ayon sa isang opisyal.

Ang “Oplan August Moon” ay isa umanong plano ng Class 78 upang kuhanin ang liderato ng militar at pulis upang ha­yaan si Pangulong Arroyo, na ka­ nilang honorary class­mate, na manatili sa puwesto.

“Marami talagang na­iwan at na-bypass na ma­gagaling na officers. Hindi maiiwasan na magkagulo. Matagal ng problema ito ng mga opisyal, lalo na yung mga walang koneksyon,” ayon sa isang opisyal na kabilang sa Class 77.

Ang mga bagong pang­­yayari sa pulisya at military ay nagbunsod sa PMA Masikap Class 77 upang magmiting ng regular sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang plan­uhin ang kanilang mga gagawin.

“Nararamdaman ng mga miyembro na may ma­ laking mangyayari sa mga susunod na linggo o buwan kung kaya’t nagha­handa sila,” ayon sa isang opisyal ng military na kabilang sa ibang PMA Class ngunit sumusuporta sa Class 77.

Ang isa sa mga dahilan ng miting ay upang ipakita ang kanilang suporta kay Lt. Gen. Raymundo Ferrer na umangal sa pagkaka­hirang kay Major Gen. Reynaldo Mapagu bilang Army chief. Si Ferrer ay isang malakas na kandi­dato para sa posisyon.

Nilinaw ni Ferrer, na itinalagang administrador nang ideklara ang martial law sa Maguindanao, na hindi niya kinukwestiyon ang karapatan ni Pangu­long Arroyo sa pagtatalaga ng mga opisyal. Ngunit naniniwala ang mga kak­lase ni Ferrer na siya ay nadismaya sa pagkaka­hirang kay Mapagu. 

Ang mga miyembro ng Class 77 ay nasa mga sensitibong posisyon sa military at pulis. Si Ferrer ng Class 77 ay isang heneral sa Army na kilala sa kanyang “peace-building efforts” sa Mindanao.

Bago pa makuha ng Class 78 ang mga posis­yon, pinilit ng Class 77 na maipuwesto ang kanilang mga kaklase sa mga mahahalagang posisyon sa military at pulis.

Ayon sa isang opisyal ng pulis, sinisira ng Class 78 ang tradisyon ng PMA at gumagawa ng gulo sa pulis at military.

Si Nacionalista Party standard-bearer Senator Manuel Villar ay isang “adopted member” ng Class 77. (Ricky Tulipat)

Show comments