MANILA, Philippines - Ikinakasa na ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Oplan Bantay-Lakbay 2010 ‘ kaugnay ng ipatutupad na mahigpit na seguridad sa Semana Santa at summer season kung saan inaasahang milyun-milyong katao ang magtutungo sa mga probinsya.
Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, naglatag na ng ‘security plan’ ang kapulisan upang mabigyang proteksyon ang mga motorista at commuters sa mga paliparan, daungan at bus terminals.
Ang Oplan Bantay Lakbay ay ipatutupad sa pagpasok ng Semana Santa (Marso 29 hanggang Abril 4, Linggo ng Pagkabuhay), Flores de Mayo sa Mayo hanggang sa pagbubukas ng klase sa unang linggo ng Hunyo.
Maglalagay ang PNP ng Police Assistance Centers sa kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa Northern at Southern Luzon, Manila South Road mula Manila patungong Bicol, Manila East road mula sa Eastern Metro Manila patungo sa Northern Quezon, Strong Republic Nautical Highway na dumaraan sa island province ng Visayas at Mindanao at ipa pang mga pangunahing lansangan.
Samantala ang PNP-Highway Patrol Group at Regional Police Offices naman ang mangangasiwa sa safety operations sa mga lansangan.
Ang Oplan Bantay-Lakbay operations sa Metro Manila ay pangungunahan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Roberto Rosales sa pakikipagkoordinasyon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Local Government Units (LGUs).
“At the same time, all commercial business establishments, shopping malls, places of worship, MRT and LRT and other vital installations will be placed under intensive security coverage,” sabi ni Verzosa.